Posted in one shot story, Uncategorized

#2 Hi Wife! ( one shot tagalog )

“Alice! Alice! Gumising ka na riyan at buksan mo ‘tong pinto.” Sigaw ni Daddy habang kumakatok, I mean kinakalampag ang pinto ng kwarto ko.

Hindi ko siya pinansin at nagtakip ng unan sa tenga. Muli niyang tinawag ang pangalan ko. Pinabayaan ko na lang dahil alam kong titigil din siya.

Ilang minuto lang ay hindi ko na narinig ang boses niya kaya umayos ako sa pagkakahiga para muling matulog.

“Hoy!” Napadilat ako ng may sumigaw at pumalo ng unan sa ulo ko. “Mapapaos na ako kasisigaw sa’yo hindi ka pa rin gising.” Umupo ako at nakasimangot na tumingin sa kanya.

Next time, itatago ko na ang key duplicate ng room ko para walang mang-iistorbo kapag matutulog ako.

“Tumayo ka na riyan.” Utos niya sa akin.

“Dad, it’s Sunday! Lemme take a rest.” Humiga ako at nagtalukbong ng kumot.

“Bumangon ka na at ‘wag mong sasabihin na pagod ka dahil ipapaalala ko lang sa’yo na wala ka namang ginagawa para mapagod ka.” Kahit anong gawin kong pagtakip sa tenga ko ay rinig na rinig ko pa rin ang boses niya.

“Dad, ipinapaalala ko rin sa’yo na may trabaho ako mondays to fridays.”

“Trabaho? Eh wala ka namang ginagawa sa opisina kun’di mag-cellphone nang mag-cellphone. Bumangon ka na nga riyan!” Sigaw niya at hinampas ako ng unan.

Paanong di ako magse-cellphone eh ang boring ng trabaho sa office, paulit-ulit lang ang ginagawa. Ayoko naman kasing magtrabaho sa company niya. Papalayasin niya raw ako kapag hindi ako nagtrabaho ro’n kaya ayun, napilitan na lang ako.

Sa totoo lang gusto kong mag-artista pero ayaw niya, wala raw kasing kasiguraduhan kung sisikat ako. If I know kaya hindi niya ako sinuportahan ay balak niyang ipamana ang company sa akin.

“Kapag hindi ka pa tumayo riyan ay kakaladkarin kita pababa.” Ahh! Dinaag niya pa si Mommy sa lakas ng boses niya. Nagpapapadyak akong tumayo ng kama at nakasimangot na tumingin sa kanya.

“Samahan mo si Manang, bumili ng mga iluluto mamaya dahil may bisita tayo.” Magrereklamo pa sana ako pero lumabas na siya.

Padabog kong sinara ang pinto ng CR. Hindi na ako naligo dahil magagalit na naman si Daddy kapag matagal akong nakababa.

Nagsuot lang ako ng slippers, denim shorts at white t-shirt dahil sa supermarket lang naman kami pupunta.

Pagbaba ko ay naabutan ko si Daddy sa sala na nagbibigay ng instructions kay Manang ng mga bibilhin. “Isama mo si Alice para may magawa naman ‘yan dito.” Tumango si Manang at hinila na ako palabas.

Pasakay na ako sa kotse nang makita ko si Mommy na may dalang mga bulaklak galing garden. “Good morning, Mommy!” Nakangiting bati ko sa kanya.

“Oh baby, good morning din.” Lumapit siya sa akin at humalik sa pisngi ko. “Sasama ako kay Manang bumili ng mga lulutuin para mamaya.”

“That’s good, magpaturo ka kay Manang kung paano ang tamang pagbili ng isda, karne, prutas at gulay dahil magagamit mo ‘yan, anak.” Kumunot ang noo ko dahil hindi ko gets ang sinasabi niya. “Sige na, umalis na kayo at marami pa akong aayusin sa loob.” Tumango ako.

Habang nasa loob ako ng sasakyan ay napansin kong busy sa paglilinis ng bahay ang lahat ng kasambahay namin. May naggugupit ng mga puno at damo at may naglilinis ng fountain. Mukhang importante ang bisita namin dahil buong parte ng bahay namin ay nililinisan ito.

Medyo malayo pa naman ang pupuntahan namin kaya natulog muna ako. Napuyat ako kagabi dahil um-attend ako ng wedding ng isa sa mga kaibigan ko. Halos lahat na ng kaibigan ko ay kinasal na, kailan kaya ako?

“Alice, anak gising na at narito na tayo.” Napasarap ang tulog ko kaya ‘di ko namalayan na nandito na pala kami.

Kinusot ko ang mata ko at tumingin sa labas. “Manang! Bakit nandito tayo sa bayan?” Gulat na tanong ko sa kanya.

“Dito tayo mamalengke dahil mura dito.” Sagot niya. “Why not sa supermarket or grocery stores?” Tanong ko sa kanya pagbaba ng kotse.

“Kagaya nga ng sabi ko mura dito, fresh ang mga tinda at isa pa, sa pagbili natin dito ay malaki ang maitutulong natin sa mga nagtitinda rito.” Tumango na lang ako dahil kung makikipagtalo pa ako sa kanya ay for sure ay pangangaralan na naman niya ako.

Well, she has a point naman pero kasi… first time at ayokong pumunta sa palengke dahil sa maraming dahilan.

“Yes sir… opo.. kasama po namin siya.” Napalingon ako sa driver namin. “Ma’am Alice, sabi po ni sir ay sumama ka raw po sa pamimili.” Balak ko pa man magpaiwan at hintayin na lang sila rito sa kotse pero naunahan na ako ni Daddy.

I have no choice kaya sumama na rin ako sa kanila. Nakasunod ako sa kanila nang biglang may bumusina. Galit na lumingon ako sa kanan. ‘Wag niyang ipagmayabang sa’kin ‘yang hammer niyang sasakyan baka basagin ko pa ‘yan.

“Ma’am, ayos lang po ba kayo?” Tanong ng driver namin. “Opo. Bakit ba dito siya dumaan? Alam naman niyang bawal ang mga sasakyan dito. Bida-bida masyado.” Umirap ako sa sasakyan at muling naglakad.

“Siya po kasi ang may-ari nitong buong palengke.” Muli akong tumingin sa sasakyan na nakapatay na ang makina. So? Baka bilhin ko pa ‘tong buong palengke niya.

Malayo pa lang ay rinig na rinig na ang ingay na nagmumula sa loob. Tunog ng pinagkikiskis ng kutsilyo, pag-chop ng mga karne, kanya-kanyang tawag sa customer para bumili sa kanya at ingay na nagmumula sa mega phone na paulit-ulit na nanghihikayat ng mga customer na bumili.

“Miss beautiful, ano’ng hanap mo?” Tanong sa akin ng tindero at hinawakan pa ako sa braso. Nakangiting umiling ako. Baka bigla niya na lang ako saksakin kapag tinarayan ko siya.

Akala ko ay wala ng balak bumili si Manang dahil kanina pa kami paikot-ikot. Nasa likod lang niya ako at hinihintay makapamili at makipagtawaran.

“Ako na po ang magdadala.” Kinuha ko sa kanya ang dalawang plastic bag. Ayoko naman mahirapan si Manang dahil medyo may edad na rin siya. “Ano po ba ‘tong binili niyo at parang marami.” Namamanhid na ang kamay ko dahil sobrang bigat ng dala ko. “Limang kilong baka at tatlong kilong buto-buto. Akin na ang isang plastic baka nabibigatan ka.”

“Okay lang po kaya ko na ‘to.”

Pinaiwan niya ako sa tabi dahil bibili raw siyang liempo. Hindi raw kasi maganda ang tinda sa binilhan namin kanina. Paano niya kaya nalaman na hindi maganda yun?

Napalingon ako sa kaliwa nang makarinig ako ng ingay. Yung ingay na parang nagkakagulo. Baka may mag-away pa rito at madamay pa ako.”Ate, ate, ate.”

Napatingin naman ako sa kanan kung saan may kumakalabit sa akin. “Ate, bili ka na po.” May batang nagbebenta ng bag na gawa sa sako. Muli niya akong kinulit para bumili. “Ayoko.” Sabi ko sa kanya. May nag-offer na rin sa amin kanina ng ganyan pero sabi ni Manang ay meron na raw kami at naiwan lang daw sa kotse. Kaya pala wala ang driver namin dahil naiwan ang bayong ni Manang sa kotse at ipinakuha niya ito.

“Ate sige na po, bumili ka na. Matibay po ito tsaka ang ganda niyo pa po.” Pagpupumilit niya pa.

“Thank you pero hindi pa rin ako bibili.” Inalis ko ang tingin sa kanya at muling lumingon sa kaliwa dahil papalapit na ang ingay.

“Nandiyan na si Boss, ready mo na yung bayad natin.” Rinig kong sabi ng tindero na nasa tapat ko.

“Magandang umaga sa inyo, ano? Ayos ba ang benta?” Hinanap ko ang malalim na boses ng nagsalitang lalaki. “Magandang umaga rin boss, medyo okay naman.” May nakatalikod na lalaki na nakasuot ng black t-shirt, denim pants at white boots na pangbaha. Siguro siya ang boss nila dahil nakita kong nagbigay ng pera ang isang tindero.

“Ate pahingi na lang po kahit limang piso, ‘di pa po kasi ako nag-aalmusal.” Isa sa dahilan kung bakit ayokong pumunta sa mga ganitong lugar.

“Nasaan ba ang magulang mo? Dapat sa kanila ka humingi ng pang-almusal at hindi sa akin dahil hindi naman tayo magkamag-anak.” Muli akong tumingin kung nasaan ang lalaki. Busy siya sa paniningil sa mga tindero dito sa palengke.

“Patay na po ang tatay ko at may sakit naman ang nanay ko. Ako po ang inaasahan ng apat ko pa pong kapatid. Kaga—”

“Stop.. stop.. stop.. hindi ko sinabi na ikwento mo yung buhay mo.” Kumuha ako ng pera sa wallet ko at ibinigay sa kanya. “Wow! Ate ang dami naman nito. Maraming salamat po. Malaking tulong po ito sa amin.”

“First of all, ‘wag mo akong tawaging ate dahil hindi tayo magkapatid. Second, siguraduhin mo lang na ibibili mo yan ng pagkain at gamot. Third, alagaan mo ang kapatid at nanay mo, ‘wag kang pasaway. And last, mag-aral ka para magkaroon ka ng magandang trabaho at makatulong sa pamilya mo. Gets mo?” Nakangiting tumango siya. “Sige na sige, umuwi ka na sa inyo.” Pagtataboy ko sa kanya.

Nakatingin lang ako sa bata habang masayang naglalakad. Kaya ayokong pumunta sa ganitong lugar dahil nakakainis, nakakakita ako ng mga batang kagaya niya, mga batang nagtatrabaho imbes na nag-aaral at ini-enjoy ang pagiging bata nila. At mas naiinis ako sa mga magulang nila, kulang na nga ang kinikita nila, sige pa ang anak, kaya ayan, ang mga anak nila ang nagdurusa.

Hindi rin naman kami galing sa mayamang pamilya pero sinikap ng magulang ko na umunlad ang buhay namin kaya kahit lagi akong binubungangaan ni Daddy ay malaki ang pasasalamat ko sa kanila. Kung’di dahil sa kanila ay hindi ko mararanasan ang ganitong klase ng buhay.

“Ma’am, pasensya na po at natagalan. Kumain po kasi ako eh.” Saktong paglingon ko sa kanya ay ang pagdaan nung lalaki. Hindi ko nakita ang mukha niya dahil naharangan siya ng driver namin. Pinausog ko siya upang makita ko ang lalaki pero nakatalikod na ito.

Pagkatapos ni Manang bumili ng karne ay sa isdaan naman kami pupunta. Pababa pa lang kami ng hagdan ay naaamoy ko na ang lansa ng mga isda.

Compare sa bilihan ng karne ay mas maingay, mainit at maraming tao ang nandito.

“Sorry, miss.” Tumango lang ako sa lalaking nakaapak ng paa ko. Argh! Isa sa mga dahilan kung bakit ayokong pumunta sa ganitong lugar-nadudumihan ang paa ko.

Huminto si Manang sa isang bilihan ng mga buhay na isda. Hindi ko alam ang tawag sa isdang kulay itim na sige sa pagtalon.

Napasigaw ako ng paglagay ng bagong buhay na isda sa harapan namin ay bigla itong tumalon papunta sa akin. Natalsikan ang damit ko ng tubig at saktong sa paa ko ito bumagsak.

Nataranta at natakot ako dahil kasabay ng pasigaw ko ay siya ring pagsigaw ng ibang mga tindero. Nagsalubong ang kilay ko ng makita si Manang na mahinang tumatawa. “Naku iha, ganito talaga rito, sinasabayan nila kung sino man ang sisigaw o tatawa.” Paliwanag niya.

“O, anong kaguluhan dito?” Napalingon ako sa pinanggalingan ng malalim ngunit may kasigaang boses ng lalaki.

“Señorito—”

“Magandang umaga, sa inyong lahat.” Hindi natapos ni Manang ang sasabihin niya dahil sinabayan siya ng lalaki.

Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa dahil yumuko si Manang na parang nagbibigay galang, hindi lang siya pati na rin ang ibang tindero. Paglingon ko naman sa lalaki ay kinakawag niya ang kanyang kamay at umiiling pa, parang pinipigilan niya ang mga ito sa ginawang pagyuko.

“Ahh Robert, bigyan mo sila ng pinakasariwang isda at ‘wag mong dayain ang timbang.” Sabi niya sa tindero ng isda.

“Yes boss… este boy.” Lumingon ako sa lalaki na pinanlalakihan niya ng mata ang tindero. Nang makita niya ako ay nginitian niya ako at kumamot ng ulo.

Pinagmasdan ko ang kabuuan niya, magkatulad sila ng suot ng nakita kong lalaki kanina. Hindi kaya siya yun?

“Ikaw na bahala sa kanila. Dadalhin ko lang ‘to kay Mang Jerry.” Bago siya umalis ay kinindatan niya ako. May hatak-hatak siyang malaking palanggana na naglalaman ng mga isda.

“Manang, hindi pa ba tayo tapos?” Naiiniip na tanong ko. May nilabas siyang listahan at ipinakita sa akin. “May tatlo pang isda at pagkatapos naman ay sa mga gulay tayo.”

Muli kaming naglakad sa basa at maduming daan upang hanapin ang iba pang kailangan. Sa buong paglalakad namin ay hindi na nawala ang pagkakasimangot ko dahil hindi na ako natutuwa. Nakakainis yung mga humahawak sa braso ko at pinipilit na bumili ng mga tinda nila, mga lalaking malalagkit tumingin, mga tinderong walang tigil sa pagsabi ng ‘miss beautiful/ ganda ano’ng hanap niyo at lalong-lalo na ang mga taong walang pakialam kung makakatama o makakaapak sila ng paa.

“Damn it!” Hindi ko na mapigilan ang mapamura dahil may nakaapak sa tsinelas ko sa likuran kaya napigtas ito. At mas nakakainis pa nang hindi man lang nag-sorry sa ginawa niya.

Bwisit naman! Gusto kong manapak dahil sa inis na nararamdaman ko. Paglingon ko sa harapan ko ay hindi ko na makita kung nasaan ang mga kasama ko dahil sobrang siksikan at dami ng tao.

“Excuse me… makikiraan kami ng asawa ko.” Sabi ng pamilyar na boses at niyakap ako mula sa likod.

Na-estatwa ako dahil sa biglang pagbago ng pakiramdam ko. Bakit parang ang sarap sa pakiramdam? Bakit feeling ko safe ako sa pagkakayakap niya sa akin? Bakit?

“Kaya mo bang maglakad?” Napabalik ako sa ulirat nang bumulong siya sa tenga ko.

Magpupumiglas na sana ako pero mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakayakap sa akin.

Hindi ako sumagot dahil pinapakiramdaman ko ang sarili. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong klaseng kaba simula nang yakapin niya ako.

“Asawa ko.” Sagot niya sa kada taong nagtatanong kung sino ang kasama niya.

“Sandali nga, sandali nga.” Umalis ako sa pagkakayakap niya. Hinila ko siya sa gilid kung saan walang masyadong tao para kausapin.

“Bakit ka ba nangyayakap na lang bigla?” Bahagya siyang tumawa sa tanong ko kaya tinaasan ko siya ng kilay. “Wife, kanina pa ako nakayakap sa’yo ngayon ka lang nagreklamo?” Nang-aasar niyang tanong.

“A-anong wife?” Nauutal na tanong ko.

“Asawa?” Ramdam na ramdam ko ang pag-ikot ng mata ko.

“Ano ba’ng pinagsasabi mo? Pwede ba? Hindi ako nakikipagbiruan sa’yo!” Sigaw ko sa kanya.

“Asawa naman talaga kita. Hindi rin ako nakikipagbiruan dahil seryoso ako sa’yo.” Sumeryoso ang kanyang mukha na siyang ikinaba ko.

“Tigilan mo ako! Hindi kita asawa at lalong-lalong hindi ako magkakaroon ng asawang katulad mong vendor lang!” Galit na sigaw ko sa kanya.

Tumingin siya sa paligid, ganun din ako. Pinagbubulungan ako ng mga tao dahil sa sinabi ko. Napayuko ako dahil sa kahihiyan. Wala naman akong intensyong maliit ang pagiging vendor, nadala lang ako ng galit kaya nasabi ko yun.

“Hoy! Hoy! Ano’ng pinagtsi-tsismisan niyo r’yan? Balik sa trabaho!” Kahit inutusan na niya ang mga ito na bumalik sa kanilang ginagawa ay naririnig ko pa rin ang hindi maganda nilang sinasabi tungkol sa akin.

Nakayuko akong umalis habang hila-hila ng paa ko ang napigtas na tsinelas. “Sandali,” hinawakan niya ako sa braso para pigilan.

“Let me go.” May diing sabi ko. “Never.” Ngumisi siya sabay buhat sa akin na parang bagong kasal. “Ano ba! Ibaba mo nga ako.” Sigaw ko at pinapagpapalo siya sa balikat. Muli akong nagpumiglas at sumigaw pero hindi siya natinag at tuloy lang sa paglalakad.

Napatulala ako sa mukha niya ng ngumiti siya sa akin. Aaminin ko napakagwapo niya, makapal ang kilay, bilugan na mga mata, sobrang tangos ng kanyang ilong, manipis at mapula niyang labi at mas lalong nakadagdag ng kagwapuhan ang kanyang panga na hulmang-hulma.

“Boss! Gandang chicks niyan ah.” Sabi ng isang lalaki na nakasalubong namin. “Hindi siya chicks, asawa ko siya.” Kinurot ko siya balikat pero kinindatan niya lang ako.

Napasubsob ako sa dibdib niya dahil gusto kong magtago sa mga taong nakatingin sa akin. Baka may makakilala sa akin at malaman pa ng magulang ko for sure yari ako nito.

“Kailangan ko ng tuwalya, bagong tsinelas, malinis na tubig, sabon at pagkain.” Parang kahit na sinong makarinig ng sinabi niya ay tiyak na susundin ang utos niya dahil napakalalim at punong-puno ng awtoridad ang kanyang boses.

Nakita ko na ang kulay asul na kalangitan at pagdampi ng hangin sa aking balat hudyat na nandito na kami sa labas. Inuupo niya ako sa isang bench na nasa tapat ng palengke. “Stay here.” Ibang-iba ang boses niya kumpara sa una ko siyang marinig. Kung kanina ay para siyang sigang magsalita, ngayon naman ay malumanay at napakagandang pakinggan ng boses niya lalo na kapag nag-eenglish siya.

May nilapitan siyang dalawang lalaki. Habang kinakausap niya ito ay nakapamewang siya. Hindi ko alam kung ano ang pinag-uusapan nila pero parang nagbibigay ito ng instruction at may inuutos.

Habang pinagmamasdan ko siya ay ngayon ko lang napansin ang kanyang kabuuan. Matangkad at malaki ang kanyang pangangatawan, malapad din ang kanyang balikat, hapit ang kanyang t-shirt sleeves dahil sa kanyang bisceps. Ikaw ba naman magbuhat at maghila ng malalaking palanggana na punong-puno ng isda kun’di lumaki ng ganyan ang katawan mo.

“Okay ka lang?” Napaayos ako ng upo. Hindi ko napansin na nandito na pala siya sa harapan ko. Inalis ko ang tingin sa kanya dahil nailang ako sa pagkakatitig niya sa akin. Ang ganda ng mata niyang itim na itim.

“Naiinitan ka na ba?” Umupo siya sa tabi ko. Umusog ako, nakakahiyang tumabi sa lalaking ito, sobrang bango kahit na nagbuhat ng mga isda samantalang ako, saglit lang ako sa loob pero sobrang baho ko na, ang lansa ng amoy ko.

“Boss, ito na po yung pinapakuha niyo.” Dumating ang dalawang lalaki na may dala-dalang timba at tabo na may tubig at dalawang paper bag na hindi ko alam kung ano ang laman.

“Malinis ba ‘tong mga ‘to?” Bumalik na naman sa pagiging maangas ang boses niya.

“Opo naman boss, mineral water po ‘yan at kay Aling Nena ko binili yung pagkain kaya tiyak na malinis na ‘yan.” Tumango siya at iwinagayway niya ang kamay niya na parang pinapaalis na niya ang mga ito. Yumuko muna ang dalawang lalaki bago sila umalis. Sino ba ang lalaking ‘to? Chinese ba siya? Japanese o Koreano?

Pero hindi, kayumanggi at pilipinong-pilipino ang kanyang mukha, wala akong makita na may lahi siyang banyaga.

“O baka nagugutom ka na.” Inabot niya sa akin ang styrofoam. “Don’t worry, malinis ‘to dahil hindi ko naman hahayaang makakain ka nang madumi.” Saglit ko siyang tinitigan. Nang kinuha ko ito ay nginitian niya ako.

Pagbukas ko ng styrofoam ay kumalam ang tiyan ko. May laman itong mainit na kanin, tapa at itlog. “Kumain ka lang.” Pa-squat siyang umupo sa harap ko. Kinuha niya ang cellphone niya pagkatapos niyang tingnan ang paper bag. Mamahalin ang gamit niyang cellphone. Saan niya kinuha ang pambili kung isa siyang vendor?

“Kulang naman ‘tong dala niyo. Nasaan ang tsinelas?… bilisan niyo dahil ayokong pinaghihintay ang asawa ko.” Pinatay niya na ang tawag at binalik ang cellphone sa bulsa niya. “Ano’ng ginagawa mo?” Tanong ko kahit alam ko naman kung ano’ng gagawin niya.

“Lilinisan ko yung paa mo.” Sagot niya at hinubad ang suot kong tsinelas. “Ako na.” Pigil ko sa kanya.

“You’re my wife. It’s my responsible to take care of you. Kumain ka lang diyan.” Natahimik ako dahil sa sinabi niya.

Hindi ko alam kung kailan ko huling naramdaman ganitong feeling, aaminin ko na masarap sa pakiramdam ang sinabi niya.

“Boss, ito na po yung kulang sa pinapakuha niyo.” Dumating ang isang lalaki na kausap niya kanina at may kasama itong limang babae na may dala-dalang tsinelas- maraming tsinelas.

“Size 7 ba ang lahat ng ‘yan?” Walang emosyon niyang tanong. Paano niya nalaman ang size ko?

“Opo naman boss.”

Inilatag nila ito sa harapan ko. “Sarado pa ang mall kaya pagtiyagaan mo muna ang mga ito. Pasensya na. Ano’ng gusto mo r’yan?” Tatayo na sana ako pero pinigilan niya ako. “Ako na, madudumihan ang paa mo. May napili ka na ba?”

“Kahit ano na lang diyan.” Tumango siya. Tumayo siya at kinuha ang kulay dilaw. “Lahat naman ay bagay sa’yo pero ito ang napili ko bukod kasi sa paborito mo ang kulay na ito ay parang katulad mo ang tsinelas na ito.” Kumunot ang noo ko. Pati favorite color ko ay alam niya. Paano?

“Simple lang pero angat na angat ang ganda.” Ayoko ng ganito! Ilang oras lang kami nagkasama pero parang lumalalim na ang nararamdaman ko sa kanya.

Katulad kanina, muling yumuko ang lalaki at mga babae bago umalis. “Sino ka ba?”

Ngumiti siya sa akin. “Asawa mo.” Pagkatapos niyang sabunin ang binti at paa ko ay binanlawan na niya ito. “‘Wag na nga tayo maglokohan dito. Mister, wala akong asawa. Baka kamukha ko lang ang asawa mo kaya nagpakakamalan mo akong asawa mo.”

“Misis, wala akong ibang asawa. Ikaw lang ang gugustuhin kong maging asawa ko.”

“Wala nga akong asawa at lalong-lalo na hindi kita asawa!” Nararamdaman ko na ang pagbilis ng tibok ng puso ko dahil sa halo-halong emosyon.

Nagtinginan sa gawi namin ang tao dahil sa sigaw ko. Pero inalis din nila ito nang seryosong tumingin ang lalaking nasa harap ko sa kanila.

“Hindi pa siguro ngayon pero malapit na.” Sabi niya pagkabalik ng tingin niya sa akin.

“Sino ka ba?” Mahinahong tanong ko. Naguguluhan na ako. “‘Wag mong isagot na asawa mo ako.” Tumawa siya. Pagkatapos niyang punasan ang binti at paa ko ay isinuot na niya ang tsinelas sa akin.

“Pwede bang sagutin mo ang tanong ko? Sino ka ba?” Inayos niya ang mga gamit at umupo sa tabi ko. “Bakit parang takot ang mga tao sa’yo rito? Bakit sumusunod sila sa lahat ng utos mo? Bakit parang ang taas ng tingin nila sa’yo? Bakit Boss ang tawag nila sa’yo? Bakit halos lahat ng tao rito kilala ka?” At ako lang ang hindi. Sunod-sunod na tanong ko.

Nakasisigurado akong hindi siya mayor ng bayan namin dahil kilala ko ang mayor dito.

“Sa lahat ng tanong mo, isa lang ang sagot ko…” tumingin siya sa mga mata ko. “Hindi ako vendor.”

Sinimangutan ko siya. “Hindi naman nasagot ang mga tanong ko sa’yo.”

Tumawa siya na parang tuwang-tuwa sa nakikitang expression sa mukha ko. “Hindi naman na importante kung bakit sila ganun sa akin.”

“Okay,” pagsuko ko, mukhang wala akong makukuhang sagot sa kanya. “Ano na lang ang pangalan mo?”

“Gabriel.”

“Gabriel?”

“Gabriel.” Inirapan ko siya. “Ano’ng surname mo?”

“Malalaman mo rin kapag kinasal na tayo.” Sagot niya at kinindatan ako.

“Alice!” Napalingon ako sa tumawag sa akin- si Manang kasama niya ang driver namin na may dalang tatlong bayong. Umalis din siya para siguro mauna na sa sasakyan.

“Nasaan na ang mga tukmol na yun? Ang sabi ko tulungan si Manang sa pagbitbit.” Mahinang sabi niya pero narinig ko naman. Iiling-iling siyang tumayo at pinuntahan si Manang. Tumayo na rin ako at sumunod sa kanya.

“Naku señorito, kaya ko na po ito.” Kinuha ni Manang ang dala niyang dalawang bayong pero hindi ito binigay ni Gabriel. “Manang, ‘wag kang mag-alala, yakang-yaka ko na po ito.” Ipinakita niya kay Manang ang kanyang bisceps. “Maraming salamat po, señorito.” Sino ba talaga ang lalaking ‘to? Bakit ganun ang tawag sa kanya ni Manang?

“Let’s go, wife.” Bahagya siyang natawa nang inirapan ko siya.

Pagkarating namin sa sasakyan ay nilagay ni Gabriel ang dala niya sa compartment. “Pasensya na señorito at kayo pa ang nagdala ng pinamili namin.” Paghingi ng tawad ng driver namin. “Wala yun. Basta ipangako mo sa akin na maayos kayong makakauwi.”

“Opo naman po. Pangako po yun señorito.” Sagot ng driver namin at sumaludo pa.

Bago sumakay sila ni Manang ay muling nagpasalamat ang mga ito.

“Sandali lang.” Bubuksan na niya ang pinto pero pinigilan ko siya. “Bakit ba ayaw mong sabihin kung sino ka talaga?”

“Hindi na kailangan dahil makikilala mo rin ako.” Sagot niya at binuksan na ang pinto. Inalalayan niya ako pagpasok. “See you later, my wife.” Sabi niya at isinara ito.

Habang nasa daan kami papauwi ay iniisip ko ang lahat ng nangyari sa palengke. Bakit ba ganun na lang ako itrato ng lalaking yun?

“Manang, sino po ba yung lalaking tinatawag niyong señorito?” Lumapit ako sa kanya na nasa front seat.

“Hindi mo siya kilala?” Nagtatakang tanong niya.

Napabuntong-hininga ako. “Manang naman, magtatanong ba ako ng kung kilala ko siya.”

“Siya si Señorito Gabriel Buenavista.” Kumunot ang noo ko. “Siya ang nag-iisang anak nina Don Gregorio at Donya Amelia Buenavista.” Dagdag naman ng driver namin.

Kaya pala ganun na lang ang trato ng mga tao sa kanya!

“Bakit hindi ko siya kilala? Bakit ngayon ko lang siya nakita?” Magkasunod na tanong ko.

“Dahil hindi ka naman kadalasang naglalagi dito sa bayan natin at kung nandito ka naman ay hindi ka lumalabas ng kwarto mo.” Sagot niya.

Hindi talaga ako naglalagi dito dahil sobrang boring. Nasanay ako sa buhay sa lungsod dahil natira ako doon ng nag-aaral pa ako ng college at ngayon na nagtatrabaho ako sa company ni Daddy.

Hindi ko naman sinasabi na pangit ang bayan na tinitirhan namin. May magandang tanawin kaming maipagmamalaki katulad ng mga puno, halaman at malawak na taniman ng iba’t ibang prutas at gulay, kulay berdeng sakahan at malilinis na dagat, ilog at talon.

Kaya ng sinabi ni Daddy na pagtatrabahuhin niya ako sa opisina niyang nasa lungsod ay pumayag na rin ako dahil nami-miss ko ang buhay dun pati na rin ang mga kaibigan ko. Kung umuuwi man ako rito ay lagi lang akong nasa kwarto kaya siguro hindi ko kilala ang Gabriel na yun.

“Ma’am Alice, tingnan niyo po ang paligid niyo.” Sinunod ko ang utos ng driver namin. “Sila po ang nagmamay-ari ng mga lupaing iyan.” Hindi na ako nagulat sa sinabi niya.

Kilala ko si Don Gregorio dahil business partner sila ng Daddy at ipinakilala niya rin ito sa akin. Nalaman ko sa Daddy na sila ang pinakamayaman dito sa bayan. Halos lahat ng lupain ay pagmamay-ari nila. Marami silang negosyo rito katulad ng resort na dinadayo dahil sa ganda nito, ang palengke na pinuntahan namin, mall at iba’t iba pang negosyo na may kinalaman sa pagtatanim at pagsasaka.

Kulang na lang ay sila ang mamahala ng bayan namin pero sa pagkakaalam ko ay ayaw nila dahil mas mabuti raw na mamahala sa bayan ay may alam kaysa sa may impluwensiya.

“Kilala ang pamilyang Buenavista hindi lang sa pagiging mayaman nila kun’di sa pagiging mabait.” Pahayag ni Manang.

“Sobrang bait.” Dagdag ng driver namin.

“Dahil sa kanila, nakapag-aral ang mga bata dahil sa pinatayo nilang paaralan, nagkaroon ng trabaho ang mga tao rito at umunlad ang bayan natin.” Tumango-tango ako sa sinabi ni Manang. Akala ko bukod sa mga magulang ko ay wala na akong makikilalang mabuti at mabait na mayayaman na may malasakit sa kapwa.

Pagkarating sa bahay ay dumeretso ako sa banyo para maligo. Hindi na kanais-nais ang amoy ko dahil sa pinaghalong pawis at lansa na nakuha ko sa palengke.

Pagkatapos kong maligo ay nagpatuyo ako ng buhok para matulog muna. Inaantok ako dahil ang aga manggising ni Daddy at isa pa, wala naman akong gagawin at maaga pa para mananghalian.

Nagising ako dahil kumalam ang sikmura ko. Tumingin ako sa wall clock, 12:30 pm na pala kaya nagugutom na ako.

Hindi na ako nag-abalang magsuklay at basta na lang itinali ang buhok ko. Pagbaba ko ay dumeretso ako sa dining room pero walang tao rito. “Sa’n sila Dad?” Tanong ko sa dumating na kasambahay. “Nasa garden po sila.” Sagot niya at kinuha ang ulam na nasa puting lagayan. “Saan mo dadalhin ‘yan?”

“Sa garden po.” Sagot niya at umalis na. Ano’ng trip nila Daddy at sa garden pa balak kumain. Picnic?

Wala rin naman akong nagawa kaya sumunod na rin ako papuntang garden. Pagdating ko rito wala ang mga magulang pero maraming nakahain na iba’t ibang ulam.

Paupo na ako nang tawagin ako ni Daddy. “Alice!” Nanlaki ang mata ko nang makita ko ang kasama niya. “Hi wife!” Nakangiting bati niya at kumaway pa. Bakit siya nandito?

Lumapit sa akin si Daddy at hinawakan ako sa braso. “Alice naman, hindi ka man lang nag-abalang mag-ayos ng sarili o kahit man lang magsuklay. Alam mo namang may darating tayong bisita.” Pagalit na bulong niya.

“Señorito, pasensya na kung ganito humarap sa inyo ang anak ko. Sandali lang at papaayusan ko lang siya.” Sabi ni Daddy.

“Sir, ‘wag niyo na po akong tawaging Señorito, okay na po sa akin ang Gabriel at isa pa po, kahit ano namang suot ni Alice ay bagay pa rin sa kanya. Maganda pa rin siya.” Sabi niya at sabay kindat sa akin.

Inaya na kami ni Mommy kumain. Inalalayan ako ni Gabriel umupo at tumabi naman siya sa akin.

“Thanks.” Sabi ko pagkatapos niyang lagyan ng kanin at ulam ang plato ko.

Napaiwas ako ng tingin nang nginitian niya ako. Ibang-iba ang postura kaysa sa una naming pagkikita.

Nakasuot siya ng white polo, khaki shorts at tinernuhan pa ng brown top sider. Hindi ko itatanggi na lalo siyang gumwapo dahil sa suot niya.

Tahimik lang ako habang kumakain. Nag-uusap sila tungkol sa mga negosyo at kinamusta rin ni Mommy ang mga magulang ni Gabriel.

“So, kailan ang kasal niyo ng anak ko?” Nasamid ako dahil sa sinabi ni Daddy. Pinainom ako ng tubig ni Gabriel at hinimas ang likod ko.

“Okay ka lang?” Nag-aalalang tanong niya. Hindi ko siya pinansin at tumingin kay Daddy. “Tama ba ang rinig ko? Ako ikakasal?” sigurado akong ako ang tinutukoy niya dahil nag-iisa lang akong anak. Tumayo ako, nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang tatlo.

“Yes, ikakasal ka kay Gabriel.” Mahinahon ngunit ma-awtoridad na wika niya.

“Dad! Hindi ko mahal ang lalaking ‘yan!” Sigaw ko. Nakita ko na nasaktan si Gabriel sa sinabi ko pero isinawalang bahala ko ito dahil mas nangingibabaw ang galit ko.

“Baby, calm down.” Umiling ako kay Mommy.

“Hindi mo pa siya mahal ngayon pero mamahalin mo rin siya.” Hindi ako makapaniwala, ano ba’ng naisip nila at ipapakasal nila ako sa lalaking ngayon ko lang nakilala at hindi ko naman mahal.

“Magkano ang halaga ko?” Kumunot ang noo ni Daddy. “Magkano ako para pumayag kayong ipakasal sa kanya? Ganyan ba kayo kadesperado para lumawak ang negosyo niyo? Dad?” Naluluhang sabi ko sa kanya. “Akala ko naiiba kayo pero mukha rin naman pala kayong pe—”

“Ano ba’ng pinagsasabi mo?!” Humarang si Gabriel kaya hindi natuloy ang pagsampal niya sa akin.

“Sir, pasensya na po ako na ang magpapaliwanag sa kanya.” Sabi ni Gabriel. Umalis ako sa pagkakahawak niya at tumakbo palayo sa garden.

Hindi ko mapigilan ang paghagulgol dahil sa mga sinabi ko kay Daddy. Ayokong pagsalitaan siya ng masama pero dahil din sa kanya kaya ko yun nasabi. I really can’t believe na gagawin niya yun para sa pera.

“Alice!” Tawag ni Gabriel. Nagtuloy-tuloy lang ako sa paglalakad pero naabutan niya ako. “Sandali.” Pinaharap niya ako sa kanya. “‘Wag kang umiyak, please.” Pinunasan niya ang luhang umaagos sa mukha ko. “Bitawan mo ako.” Tinapik ko ang kamay niya at umatras.

“Magkano ang halaga ko? Magkano ako para ibenta ako ng magulang ko sa’yo?” Pigil na pigil ang galit kong tanong sa kanya.

“Wala. Wala kang katumbas na halaga. Hindi ka binenta ng magulang mo sa akin dahil ako mismo ang may gusto nito.” Nagsalubong ang kilay ko, hindi ko maintindihan ang gusto niyang iparating.

“Ako ang humiling sa kanila na pakasalan ka.”

“Bakit mo ako pakakasalan? Ngayon lang tayo nagkita at hindi naman tayo magkakilala.”

“Dahil mahal kita!” Sigaw niya. “Mahal kita Alice. Siguro, ikaw, ngayon mo lang ako nakita at nakilala pero ako, matagal na kitang nakita at nakilala.” Nagpakawala siya nang malalim na hininga, para siyang nabunutan ng tinik sa dibdib dahil sa sinabi niya.

“Nang araw na makita kitang nasa sasakyan niyo papuntang lungsod ay alam kong may kakaiba sa’yo dahil ikaw ang unang babaeng nakapagpatibok nang mabilis sa puso ko. Nang araw ding yun, ipinangako ko sa sarili na ikaw ang babaeng mamahalin ko at ikaw ang babaeng makakasama ko habambuhay. Mahirap paniwalaan pero yun ang totoo.” Nananatili lang ang tingin ko sa kanya. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat sabihin.

“P-paano mo napapayag ang magulang ko? May ibinigay ka ba sa kanila?” Nauutal at kinakabahang tanong ko. Umiling siya at humakbang papalapit sa akin.

“Wala akong ibinigay sa kanila at isa lang ang nakuha ko sa kanila.” Walang emosyong nakatingin ako sa kanya habang hinihintay ang susunod niyang sasabihin. “At yun ang pagpayag nila na pakasalan ka. Maniwala ka man o hindi, pinaghirapan at pinagtrabahuhan ko yun para lang pumayag sila.” Ngumiti siya at napailing. Parang bigla niyang naalala ang mga ginawa niya para lang pumayag ang magulang ko. “‘Wag mo ng tanungin kung ano ang mga ginawa ko dahil kung sasabihin ko lahat ay aabutin pa tayo nang bukas.” Dagdag niya.

“Bakit hindi kita nakikita kapag nandito ako? Bakit walang nababanggit ang magulang ko tungkol sa’yo?” Ang dami ko pang gustong itanong sa kanya.

“Pinakiusapan ko sila na ‘wag sabihin ang tungkol sa akin. Gusto ko muna ayusin ang sarili ko, ang mga negosyong hawak ko pati na rin ang panliligaw ko sa magulang mo. Para sa ganun, kung maayos na ang lahat, ang relasyon naman natin ang aayusin ko, gusto ko kasi na sa’yo lang ang atensyon ko at lalong-lalo na sa’yo lang ako.” Malumanay na pahayag niya. Muli siyang lumapit at hinawakan ang kamay ko.

“Alam kong naguguluhan ka at wala akong pag-asa pero maglalakas-loob pa rin akong tanungin ka.” May kinuha siyang maliit na kulay pulang kahon sa bulsa niya at lumuhod sa harap ko.

“Alice Alcantara, will you marry me?”